"Maselang bahaghari sa aking isipan, wag kang mabahala di kita malilimutan.
Paglipas ng ulan ay mapapangiti ang araw. Wag sanang mawala ang maselang bahaghari."
Kung maaari lang na magasgas ang kantang ito sa isipan ko marahil matagal nang nangyari yun. Simula pa ng muli kong patugtugin ito nung isa linggo sa aking cellphone di ko na maialis ang pagkalango ko sa kantang ito. Iniisip kung ano nga ba ang katuturan nito.
At sa pagpapa-ulit-ulit-ulit ko hindi ko alam kung bakit may iisa't iisang imahe lang nakikita ko sa isip ko. Kahit na anong klaseng mga ideya o bagay ang isaksak ko sa aking isipan laging yun pa rin ng yun ang lumalabas...
Isang scenario sa beach kung saan mahinahon at magiliw na nakikipaglaro ang alon sa mapuputi at mapipinong buhanginan ng isang napakapayapang baybayin. Ang araw naman na tila naiinggit sa kanyang nakikita ay ibinubuhos ang kanyang mala-rosas at mala-dalandan na sinag sa dalampasigan. Tila naman nakikisaya ang mga puno ng niyog sa tabing-dagat dahil sabay sabay nilang ikinakampay at iwinawagayway ang kani-kanilang dahon na parang nakikipagsayawan sa malamig na simoy ng hangin. Isang malamyos na tunog mula sa dagat ang maririnig na nagagalak sa kasiyahan na nagaganap... Mga ibon na nagsisiliparan sa dako ni haring araw. Ulap dahan dahang tinutunton ang direksyon paroon. O Kay payapang imahe...
Marahil isa ito sa epekto na nais iparating ng kantang ito... Mahinahon. Oo, masarap sa pakiramdam... Tila ba dinadala ka sa lugar kung saan aalisin nito ang pagkapagal o pagkalumbay na nararamdaman mo..
"Pikit mo ang iyong mata, ano ang nakikita?
akala mo'y wala nang saysay.."
Ano nga ba ang nasa isip mo kapag panandalian mong inialis sa pansin mo ang mundo? Panandaliang pagtakas sa realidad ng buhay. Ngunit bunsod nito ay isang masamyong pag-alaala ng kung ano ba ang mga bagay na nakaligtaan mo nang tignan, pamula noong nagsimula kang ibuhos ang paningin mo sa mga bagay na parati mo na lamang nasisilayan.
Tama. Isang paghihinuha na ang mga esensyal na bagay sa mundo ay kadalasang di mo na nabibigyan ng pansin. Paghinga. Pangangarap. Pagiging buhay. Oo, tama nga. Ngayon ay unti-unti mo nang makikita at mararamdaman na ito ang dahilan ng lahat lahat sa panahong ito at sa susunod pa...
"Maselang bahaghari sa aking isipan, wag kang mabahala di kita malilimutan.
Paglipas ng ulan ay mapapangiti ang araw. Wag sanang mawala ang maselang bahaghari."
At muli ikaw ay manunumbalik sa kung saan mang lupalop at sulok ng mundo ka nanggaling, dala-dala ang isang kaisipan na kalaunan ay natutuhan mo sa kadahilanang matagal mo palang hinahanap ito ngunit hindi mo mawari kung ano at kailan mo ito naintindihan at naunawaan. Ngunit isa lamang ang nasisigurado mo, iyon ay ang kasiguruhan na kahit anuman ang mangyari at kung saan ka man mapadpad alam mong sa iyong sarili na mananatili itong nasa'yo lamang. Permanente. Habang-buhay.
Matapos ang lahat ito naman ay nararapat na mapasaiyo lamang. At sa wakas, nalaman mo na rin na ang bagay na hawak hawak at nararamdaman mo ngayon ay totoo at di na muli pang mawawalay sa iyong pagkatao dahil ito'y iyong-iyo na. Sa wakas! Sa wakas at ika'y nakaramdam ng tunay na kaligayahan muli.
Sa wakas....
allystuffandetc
[Continue reading...]